Binatikos ng grupong Bantay Bigas ang National Food Authority sa kanilang ginawa na pagbebenta umano ng tone-toneladang bigas sa mga traders.

Sinabi ni Cathy Estavillo, ano man ang rason ng NFA sa kanilang ginawa, ito ay labag pa rin sa batas dahil sa natanggal na sa mandato ng ahensiya ang pagbebenta ng bigas sa ilalim ng Rice Liberalization Law.

Ayon sa kanya, ang mandato na lamang ng NFA ay mag-imbak o buffer stocking na gagamitin sa panahon ng emergencies at kalamidad.

Matatandaan na napaulat na kaya ibinenta umano ng NFA ang kanilang stock na bigas ay dahil sa lalampas na ito sa shelf life nito na tatlong buwan.

Ibig sabihin, ayon kay Estavillo ay hindi nagamit ng NFA ang nasabing bigas sa dapat na paglalaanan.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, binigyan diin niya na dapat ay hindi sa traders ibinenta ng NFA ang nasabing bigas sa halip ay dinala ito sa mga Kadiwa stores o sa Department of Social Welfare and Development o maaari din na idiniretso na lamang ito sa mga palengke dahil marami sa mga mamamayan ang nangangailangan ng murang bigas.

Gayonman, sinabi niya na maaaring natakot ang NFA dahil sa wala ito sa kanilang mandato.

Dahil dito, iminungkahi ni Estavillo na ibasura ang Trade Liberation Law at ibalik ang mandato ng NFA na magbenta ng murang bigas at dagdagan din ang pondo nito para sa maraming palay ang kanilang mabibili sa mga magsasaka.