
Nasabat ng Bureau of Customs o BOC Port of Clark ang shipment mula South Africa na naglalaman ng tinatayang ₱11.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa mga car parts.
Natuklasan ang kontrabando matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe ang mga piyesa sa isinagawang X-ray inspection. Kinumpirma rin ito sa pamamagitan ng K-9 sniffing at physical examination.
Nakumpiska ang 17 itim at transparent na plastic packages na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang methamphetamine o shabu. Itinago umano ang mga ito sa dalawang engine piston at isang tensioner pulley kit.
Ang shipment ay nakatakdang ipadala sa Angeles City, Pampanga. Ipinasa na ng BOC ang nakumpiskang kontrabando sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA para sa kaukulang imbestigasyon.
Naglabas na rin ang BOC ng warrant of seizure and detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act.










