Tinatayang ₱111 milyon ang halaga ng pinsala matapos masunog ang halos tapos nang apat na palapag na gusali na itinatayo bilang cold storage facility ng ice cream manufacturer na Degic Foods Corp. sa Barangay Bulihan, Malvar, Batangas nitong Linggo ng hapon, Oktubre 18.

Sumiklab ang sunog bandang alas-4 ng hapon at nagbuga ng makapal na itim na usok mula sa gusali.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng gusali. Gayunman, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente.

Napinsala ng apoy ang una at ikalawang palapag, habang hindi naman nadamay ang basement at roof deck.

Nahirapan ang mga bumbero na makapasok sa gusali at apulahin ang apoy dahil sa makapal na usok na lubhang nagpahina sa kanilang visibility.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa municipal fire marshal ng Malvar, nakadagdag sa makapal na itim na usok ang mga polystyrene board at foam na ginagamit sa insulation system ng pasilidad.

Rumesponde sa insidente ang mga bumbero mula sa iba’t ibang bahagi ng Batangas, kasama ang mga fire truck mula sa mga industrial park at volunteer firefighters mula sa karatig-Laguna.

Idineklara ng BFP na fire out na ang sunog alas-8:22 ng gabi, mahigit apat na oras matapos itong magsimula.

Walang naiulat na nasugatan sa insidente, habang wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng kumpanya hinggil sa nangyari.