
Nasabat ng mga awtoridad ang ₱278 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa Afghanistan na idineklarang shipment ng marmol, nitong Martes sa Manila International Container Port.
Pinangunahan nina Interior Secretary Jonvic Remulla at Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang inspeksyon sa mga nasabat na iligal na droga.
Ayon sa Bureau of Customs, 131 pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 41 kilo ang narekober mula sa shipment.
Sinabi ni Nepomuceno na unang beses nilang nakita ang ganitong paraan ng pagtatago ng shabu, kung saan isiniksik umano ang mga droga sa false sidings at bakal na bahagi ng container, partikular sa sahig at likurang bahagi nito.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Major General Isagani Nerez, tinatawag itong “Afghan meth.”
Samantala, sinabi ng Bureau of Customs na nakaplano itong mag-upgrade ng kanilang X-ray at scanning equipment upang mas mapalakas ang kakayahan sa pagtukoy ng mga iligal na droga.
Ayon kay Nepomuceno, nagbigay na siya ng direktiba noong Nobyembre ng nakaraang taon upang humanap ng mas makabagong X-ray machines na may kakayahang makakita ng organic at chemical substances gamit ang AI technology.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga sangkot sa tangkang pagpapasok ng iligal na droga sa bansa.










