TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa culling ang nasa 15 baboy na apektado ng African Swine Fever (ASF) sa Barangay Pattao sa bayan ng Buguey, Cagayan.
Ayon kay Mayor Lloyd Antiporda ng Buguey, limang baboy ang nadatnan ng Department of Agriculture (DA) na namatay na, bukod pa sa 15 isinailalim sa culling na pagmamay-ari ng tatlong pamilyang magkakapitbahay sa nasabing lugar.
Aniya, batay sa isinagawang pagsusuri ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory ay kanilang kinumpirma na ASF ang kumapit na sakit sa mga namatay na baboy.
Sinabi ni Antiporda na batay sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon ng ASF sa lugar dahil sa ilang magbababoy na nagtutungo sa Buguey para bumili ng mga alagang baboy na galing sa kalapit na bayan na nakapagtala rin ng nasabing sakit.
May isang pamilya naman na kapitbahay bahay ng mga naapektuhan ng ASF ang agad na naglagay ng protection sa kulungan ng mga alagang baboy kung kaya’t hindi kinapitan ng sakit ang mga alaga.
Tiniyak naman ni Antiporda na mayroon silang maibibigay na tulong sa mga apektadong pamilya bukod pa sa P3,000 na mula sa Provincial Agriculture at P5,000 na mula sa DA.
Sa ngayon, sinabi ng alkalde na naghigpit na ang mga otoridad kung saan walang pinapayagang makalabas at makapasok sa mga alagang baboy para hindi na kumalat pa ang nasabing sakit sa kanilang bayan.
Mahigpit din ang kanilang monitoring sa mga palengke sa presyo ng mga karneng baboy upang matiyak na walang mga negosyante na lumalabag sa nakatakdang presyo nito.