TUGUEGARAO CITY-Boluntaryong sumuko sa kapulisan ang isang miembro ng new peoples Army (NPA ) sa bayan ng Peñablanca, Cagayan.
Ayon kay P/capt Rey Lopez, chief of police ng Peñablanca Police Station, miembro ng medical team ng makakaliwang grupo ang 26-anyos na tubong Jones, Isabela ang lalaking sumuko.
Aniya,posibleng nahirapan ang rebeldeng NPA sa pagtatago sa kabundukan kaya naisipan na nitong bumaba at sumuko sa pamahalaan.
Dagdag pa ni Lopez na batay sa sinabi ng sumukong rebelde, handa umano itong makipagtulungan sa pamahalaan para makamit ang kapayapaan at katahimikan ng probinsiya maging sa buong bansa.
Nabatid na taong 2012 unang sumapi ang rebel returnee sa makakaliwang grupo kung saan nag-iikot umano ang kanilang team sa bayan ng Baggao at Peñablanca.
Kaugnay nito, sinabi ni Lopez na kasalukuyan na nilang inaayos ang mga dokumento nito para maisama sa mga makakatanggap ng tulong pangkabuhayan mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration (E-CLIP) program ng pamahalaan.