Nasawi ang isang lalaki habang isa pa ang kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos silang makuryente habang nasa trabaho sa Barangay Calautit, Sto. Domingo, Ilocos Sur noong Agosto 27.
Batay sa ulat ng Sto. Domingo Municipal Police Station, kinilala ang nasawing biktima bilang isang 37-anyos na lalaki mula sa Barangay Guimod, Bantay, Ilocos Sur.
Habang ang kanyang kasamahan na kasalukuyang nasa maayos nang kalagayan sa ospital ay 39 taong gulang at residente ng Barangay Ayusan Norte, Vigan City.
Ayon sa imbestigasyon, gumagawa ng daanan ng tubig o waterway ang dalawang lalaki at ang kanilang mga kasamahan gamit ang metal pipe sa lugar ng insidente.
Nang sumapit ang oras ng meryenda, magkatabi silang umupo upang magpahinga.
Sa hindi inaasahang pangyayari, aksidenteng nahawakan ng isa sa kanila ang isang live wire na naging sanhi ng kanilang pagkakakuryente.
Agad na itinakbo ang dalawa sa Magsingal District Hospital para sa agarang medikal na atensyon.
Sa kabila ng pagsisikap ng mga doktor, idineklarang dead on arrival ang isa sa mga biktima, habang patuloy na nagpapagaling ang isa.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko, lalo na sa mga manggagawa sa konstruksyon, na maging mapagmatyag sa paligid at tiyaking ligtas ang mga kagamitan at kapaligiran upang maiwasan ang ganitong uri ng trahedya.