Patay ang isang katao habang 17 naman ang nasugatan matapos araruhin ng isang sasakyan ang mga tao malapit sa ginaganap na Christopher Street Day (CSD) Pride festival sa Tiergarten park sa Berlin nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa pulisya at fire brigade, walong biktima ang nagtamo ng malubhang pinsala, kabilang ang tatlong nasa kritikal na kondisyon.

Matapos mabangga ang ilang tao, huminto ang puting sasakyan nang sumalpok ito sa isang puno.

Wala na umano ang driver nang datnan ng mga awtoridad ang sasakyan at patuloy ang isinagawang manhunt upang matunton ang suspek.

Daan-daang libong katao ang dumalo sa taunang Pride celebration, isa sa pinakamalalaking LGBTQ event sa Europa, bago ito biglang itigil dahil sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng pag-atake.