Patay ang isang tindera habang apat ang sugatan matapos araruhin ng isang pick-up vehicle ang isang waiting shed sa kahabaan ng Bondoc Peninsula highway sa Barangay Mabini Ilaya, Macalelon, Quezon.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima bilang isang 54-anyos na residente ng Barangay Lawigue, Tayabas City.
Isinugod naman sa Gumaca Hospital ang apat na sugatang biktima para sa agarang lunas, kabilang ang 50-anyos na driver ng pick-up na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver habang binabaybay ang isang kurbadang bahagi ng kalsada patungong Lucena City.
Dahil dito, sumalpok ang sasakyan sa waiting shed at nahulog sa malalim na bahagi ng gilid ng highway.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng insidente at patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng aksidente.