TUGUEGARAO CITY-Sugatan ang isang pulis matapos makasagupa ng mga militar at pulis ang hindi pa mabatid na bilang ng mga armadong grupo sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan, kaninang hapon.
Kinilala ang sugatan na pulis na si Patrolman Carlo Angelo Turo ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (CPMFC).
Ayon kay B/Gen Laurence Mina, Commanding Officer ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army, nagsagawa ng beripikasyon ang hanay gobyerno ukol sa natanggap na impormasyon sa presensiya ng armadong grupo sa Barangay Allucao at Dagupan sa nasabing bayan.
Nang marating ang nasabing lugar ay kanilang nakita ang umano’y kampo na hinihininalang pinagtataguan ng mga armadong grupo.
Habang nagsasagawa ng beripikasyon ang hanay ng gobyerno ay bigla silang pinaputukan ng mga armadong grupo kung saan tinamaan sa kamay at balikat ang isang pulis, na ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.
Tumagal ng nasa 30 minuto ang naturang sagupaan ng magkabilang panig.
Sa ngayon, inaalam pa ng hanay ng gobyerno kung anong grupo ang kanilang nakasagupa habang patuloy ang hot pursuit operation.