Nasawi ang isang 10-taong-gulang na batang lalaki matapos magpatuli sa isang lying-in clinic sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat, isinagawa ang pagtutuli noong Mayo 17 bandang alas-dos ng hapon.
Inilahad ng ina ng bata na si Marjorie San Agustin na malakas at walang iniindang karamdaman ang anak niyang si Nathan bago isailalim sa procedure.
Tinurukan umano ng 20cc na anesthesia si Nathan ng isang lalaking nagpakilalang doktor, ayon sa staff ng klinika.
Pagkatapos ng pagtutuli, napansin ng ina na nanginginig ang bata at tinanong ang doktor, ngunit sinabing normal lamang iyon dahil groggy pa raw ang pasyente.
Kalaunan ay nangisay na si Nathan at tila wala nang malay, kaya’t agad siyang dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Humingi ng hustisya ang ina at nagsampa ng reklamo sa Manila Police District at National Bureau of Investigation.
Isinasailalim na sa imbestigasyon ang insidente, at hinihintay ang resulta ng autopsy upang matukoy kung may pananagutan ang sinasabing doktor.