Residents from Barangay Batasan Hills in Quezon City line up to receive cash under the social amelioration program amid the enhanced community quarantine on May 4, 2020. Mark Demayo, ABS-CBN News
CTTO

TUGUEGARAO CITY-Sampung punong barangay mula dito sa rehiyon dos ang kabilang sa 89 na sinuspinde ng Department of the Interior and Local Government(DILG)matapos masangkot sa anomalya sa distribusyon sa unang tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa kalatas na inilabas ng DILG, kabilang dito ang tatlong kapitan mula dito sa lalawigan ng Cagayan na sina Jessie D. Corpuz ng Barangay Baybayog, Alcala; Marlon A. Abuyuan ng Barangay Tallungan, Aparri at Leodines L. Bautista ng Barangay Centro 12, Tuguegarao City.

Sa probinsiya ng Isabela, suspendido sina punong barangay Arnel P Quesada ng Barangay Yeban Sur, Benito Soliven; Buenvinido B. Ruiz ng Barangay Callangigan, Quezon; Domingo G. Tagufa ng Barangay Balug, Tumauini; German G. Vinoya Jr. ng Barangay Oscariz, Ramon at Sherwin S. Cadavona ng Barangay Calinaoan Malasin, Sto. Tomas.

Sinuspendi rin sina Samson D. Ebenga ng Barangay Abaca, Dupax Del Sur, Nueva Vizacaya at Wilson Cansino ng Barangay San Geronimo, Bagabag, Nueva Vizacaya.

Sa rehiyong Cordillera, tatlong punong barangay din ang suspendido na kinabibilangan nina punong barangay Jimmy Cabiao ng Barangay Quimloong, Bucay, Abra; Dennis Felina ng Barangay Luzong, Manabo, Abra; at George Frederick Obal ng Barangay Apatan, Pinukpuk, Kalinga.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa DILG, anim na buwang suspensyon ang ipinataw sa mga nabanggit na kapitan ng barangay, kung saan sinampahan na rin ang mga ito ng reklamo sa Ombudsman.

Sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año, inatasan na rin ang mga alkalde na nakasasakop sa mga nasabing barangay officials na agad na ipatupad ang suspensyon ng mga ito sa oras na matanggap ang suspension order mula sa Ombudsman.

Kaugnay nito, umaasa naman si Año na magsisilbi itong babala sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno na walang puwang ang katiwalian sa bansa, lalo na sa gitna ng pandemya. with reports from Bombo Marvin Cangcang