TUGUEGARAO CITY-Huli ang sampung katao kabilang ang isang menor-de-edad matapos maaktuhang iligal na nagmimina sa bayan ng Claveria, Cagayan.
Ayon kay Plt. Rhyan turingan, bagong hepe ng PNP-Claveria, ilang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa ginagawang magmimina ng mga suspek sa Brgy. D’Leano.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng operasyon ang kanilang kapulisan na sanhi ng pagkahuli ng mga suspek na kasalukuyang isinasagawa ang pagmimina.
Kinilala ang mga suspek na sina Edgene Caligan, Reylie Acob, Noel Inocencio, Joel Caligan Jr., Rhayan Abansado, Oscar Avanzado at Noel Avanzado at Clarence Magayano Sr. na pawang residente ng Claveria habang sina Keith Reeve Julaquit at alyas Dodong na isang 17-anyos na mula naman sa Conner, Apayao.
Nakuha sa mga suspek ang isang set ng water pump, dalawang piraso ng steel mallet, isang unit ng hand held radio, dalawang piraso ng blasting cap (ordinary), isang piraso ng five-feet time fuse (ordinary), nasa 50grams ng Ammonium fuel oil (ANFO), isang litro ng gasolina at 4 na piraso ng steel chisel.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7076 o People’s Small-scale Mining Act of 1991 ang mga naarestong suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan.