Patay ang 10 katao kabilang ang apat na bata, habang mahigit 37 ang nasugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Tarlac City Toll Plaza sa Subic-Clark-Tarlac Expressway.
Ayon kay Police Lt. Col. Romel Santos, ng Tarlac Provincial Police Office, nabangga ng isang bus ang isang van na nakalinya na para magbayad sa toll gate.
Nabangga naman ng van ang compact SUV, na bumangga naman sa isang tractor na nasa harapan nito.
Bumangga naman ang tractor sa isa pang compact SUV sa payment line.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, walo ang namatay at isa ang nasugatan mula sa van, dalawa at isa ang sugatan naman sa compact SUV.
Nasugatan naman ang 35 sa bus, kabilang ang driver at kundoktor.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng bus, kung saan sinabi niya na nawalan siya ng kontrol sa manibela.
Sinabi naman ni Marvin Guiang, pinuno ng Tarlac Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, kabilang sa mga namatay ay mag-asawa, kung saan nakaligtas naman ang kanilang sanggol.