Aabot sa 10 mula sa 22 Bar sa lungsod ng Tuguegarao ang natuklasang walang kaukulang mga dokumento sa pag-ooperate ng negosyo habang dalawa naman dito ang nahuling nagpapasok ng mga menor de edad na customers sa gabi.

Ito ay matapos maglunsad ng surprise inspection ang binuong monitoring and enforcement team ng Business Permit and Licensing Office ng Tuguegarao na kinabibilangan ng mga kawani ng Pambansang Pulisya, City Social Welfare and Development, City Heath Office, Bureau of Fire Protection at ng City Engineering office.

Ayon kay Atty. Roderick Iquin, Asst. City Legal Officer ng lungsod, matapos matuklasan ang mga paglabag ay binigyan ang mga establishimento ng dalawang linggong palugit upang makapagsumiti ng kaukulang mga dokumento upang payagan na ipagpatuloy ang kanilang operasyon.

Punto niya, kabilang din sa mahigpit na binabantayan ay ang usapin ng prostitusyon dahil sa ilalim ng batas ay hindi pinapayagan ang operasyon ng prostitusyon kayat ito ang mahigpit ding ipinatutupad sa lungsod.

Inihayag ni Atty. Iquin na may ilang ulat o sumbong kasi ang natatanggap ng mga otoridad na may kalakalan sa usapin ng prostitusyon sa mga bar sa lungsod habang ang iba naman ay nagsisilbing panciteria sa umaga ngunit bar naman sa gabi.

-- ADVERTISEMENT --

Inihalimbawa nito ang dalawang panciteria na nadatnan ng kanilang grupo ng sila ay mag inspeksyon sa Brgy. Annafunan East na ang ginagamit na permit ay para sa operasyon ng pansiteria ngunit alak at nagsisilbing bar ang negosyo sa gabi.

Bukod pa dito ay nadatnan din nila sa lugar na may mga kabataang menor de edad ang pinapapasok at nag-iinuman sa loob ng Bar ng dis-oras na ng gabi.

Binigyang diin ni Atty. Iquin na kung sakaling mahuli ang sinumang may-ari ng negosyo na lumalabag ay mahaharap sila sa kaukulang parusa dahil hindi pinapayagan ng batas ang pagbibigay ng permiso upang magbenta ng laman at walang kaukulang mga legal na dokumento sa pagpapatakbo ng negosyo

Sinabi nito na matapos ang dalawang linggo na palugit ay muli silang magsasagawa ng pagsusuri at kung hindi pa rin nakasusunod at tumatalima ang mga negosyante ay ipapasara na ang kanilang mga negosyo.