Sampung katao ang nasawi dahil sa mga pagbaha at landslide dulot ng pananalasa ni Tropical Storm Enteng na may kasamang habagat.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa Central Visayas ay dalawa ang namatay, 10 ang nasugatan, 14 pamilya o kabuuang 63 indibidwal sa tatlong Barangay ang naapektuhan.
Sa Antipolo City, Rizal, iniulat naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang pagkasawi sa landslide at pagkalunod ng anim katao.
Ayon kay CDRRMC Chief Relly Bernardo, dalawang bahay ang natabunan ng landslide sa Sitio Inapao, Brgy. San Jose na ikinasawi ng isang 12 at 15-anyos. Sa ikatlong landslide ay patay rin ang isang 27-anyos na buntis na ginang na kapitbahay ng dalawang tinedyer.
Naiulat naman sa Brgy. San Luis, Antipolo City ang pagkasawi sa pagkalunod ng isang 44-anyos na ginang at isang 4-anyos na bata.
Samantala sa Naga City, Camarines Sur ay nasawi naman sa pagkalunod ang dalawa katao kabilang ang isang sanggol na babae sa pagragasa ng flashflood dulot ng malalakas na pag-ulan.
Mahigit 300 pamilya o 210,000 katao naman ang inilikas at dinala sa mga evacuation center dahil sa hanggang dibdib at lagpas taong baha sa lugar.
Pansamantala namang nahinto ang operasyon ng mga pantalan sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at Bicol Regions dulot ng masamang lagay ng panahon kung saan 739 pasahero, 282 rolling cargoes, 22 vessels at apat na bangkang de motor ang istranded.
Inalerto rin ng NDRRMC ang mga regional offices nito na imonitor ang bagyong Enteng at maghanda sa rescue operation sa mga komunidad habang pinag-iingat din sa flashflood at landslide.