
Ligtas na nakabalik sa bansa ang sampung Pilipinong seafarers na kabilang sa mga tripulanteng inatake ang kanilang barko sa Gulf of Aden noong Setyembre 29.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dumating ang mga seafarer sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Sabado ng gabi at sinalubong sila ng mga opisyal ng ahensya.
Ang mga Pilipino ay sakay ng Netherlands-flagged cargo vessel MV Minervagracht na tinamaan ng hindi pa matukoy na projectile habang nasa karagatan, 120 nautical miles timog-silangan ng Aden, Yemen. Nasunog ang barko ngunit nailigtas ang 19 na tripulante mula sa iba’t ibang bansa.
Sa tulong ng Philippine Embassy sa Ankara, Philippine Consulate General sa Istanbul, Migrant Workers Offices, at licensed manning agency, naayos ang kanilang agarang pagpapauwi.
Nagbigay ng tulong pinansyal ang DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Tumanggap din ang mga seafarer ng training vouchers mula sa TESDA at pansamantalang tirahan mula sa kanilang manning agency.
Tiniyak ng DMW na maipagkakaloob sa kanila ang lahat ng benepisyo at serbisyong medikal, kabilang ang physical at mental health support, upang matulungan silang makabangon at makapagsimulang muli.