Nakatakas ang 10 persons deprived of liberty (PDL) mula sa Batangas Provincial Jail sa Ibaan kahapon ng umaga habang sinasamahan sila sa public utility room.

Ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A), may escort na prison guard ang mga nasabing PDL papunta sa public utility room nang biglang tinutukan siya ng isang preso ng ice pick, kinuha ang kanyang armas at itinutok sa kanya, habang sinamantala naman ng ibang PDL ang nasabing sitwasyon.

Tumakbo ang mga PDL papuntang Barangay Quilo, Ibaan, Batangas.

Sa isinagawang pagtugis sa mga ito, sinabi ng pamahalaang panlalawigan ng Batanas na walo sa mga tumakas ang naaresto na.

Iniutos din ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto na imbestigahan ang nangyaring pagtakas ng mga PDL.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, bagong pasilidad ang bagong provincial jail, at nito lang nakaraang June 24 inilipat doon ang 792 na lalaking PDLs.

Sa hot pursuit operation, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na lima sa mga PDLs ang sumakay sa isang bus na naharang sa Sto. Tomas City sa Batangas.

Ayon kay Police Lt. Col. Marlon Cabataña, hepe ng Sto. Tomas City Police Station, nagkaroon ng negosasyon at mayapang sumuko ang mga PDL pagkaraan ng halos 30 minutong pag-uusap.

Sinabi ng pulisya, wala namang hostage taking na nangyari sa loob ng bus.

Nakuha sa kanila ang isang baril at ilang patalim.

Tatlong PDLs ang naaresto kalaunan sa Ibaan, habang patuloy na hinahanap ang dalawa pa.