
Sampung pulis mula sa Police Station 14 ng Quezon City Police District ang iniimbestigahan ngayon matapos umanong masangkot sa iregularidad.
Ito’y makaraan ang isinagwang “Oplan Galugad” sa Bgy. Holy Spirit sa Quezon City noong April 12, 2025.
Batay sa ulat na nakarating sa NCRPO, limang indibidwal ang hinuli dahil sa paglalaro ng “pusoy.”
Gayunman, sa isinagawang beripikasyon nitong April 22, 2025, napag-alamang may isang handbag na narekober sa operasyon na naglalaman ng pinaghihinalaang pinatuyong dahon ng marijuana.
Sa halip na kasuhan ng paglabag sa RA 9165 ang mga suspek, ang mga inarestong indibidwal ay sinampahan lamang ng kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit ang 4 sa mga pulis at kinumpiska na rin ang kanilang baril bilang bahagi ng standard procedure.
Habang ang 6 batay sa ulat ng NCRPO ay nananatiling at-large.