Isinuko ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman ang lahat ng computers at files na ginamit ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral sa loob ng nakaraang 10 taon.

Ayon sa DPWH, ang turnover ay alinsunod sa Subpoena Duces Tecum ng Ombudsman na nag-uutos na ipasa ang lahat ng devices at dokumentong inisyu kay Cabral noong siya ay nasa serbisyo pa ng gobyerno.

Sinabi ng ahensya na kabilang sa mga isinukong files ang mga dokumento at kahilingan kaugnay ng pagbuo ng National Expenditure Program (NEP) sa nakalipas na isang dekada.

Personal na isinuko ang mga files ng mga DPWH undersecretary na sina Nicasio Conti, Arthur Bisnar, Ricardo Bernabe III, at Charles Calima Jr.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang central processing unit (CPU) at mga files ni Cabral ay selyado na at nasa kustodiya na ng Office of the Ombudsman.

-- ADVERTISEMENT --

Ani Clavano, mananatiling selyado ang mga ito hanggang maisagawa ang digital forensic examination.

Tungkol naman sa mobile phone ni Cabral, sinabi ni Clavano na nasa Philippine National Police (PNP) ang usapin, ngunit iginiit niyang interesado ang Ombudsman na makuha rin ito bilang bahagi ng imbestigasyon.

Si Cabral ay nasangkot sa mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects at nagbitiw sa DPWH noong Setyembre habang nagpapatuloy ang mga pagdinig sa Kongreso kaugnay ng umano’y kickbacks at iregularidad sa pondo.

Natagpuang wala nang buhay si Cabral noong Disyembre 18 sa isang bahagi ng Kennon Road sa Tuba, Benguet. Ayon sa mga awtoridad, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng PNP at wala pang pinal na konklusyon sa sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, sinabi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na una nilang planong imbitahan si Cabral bilang resource person sa imbestigasyon sa umano’y ghost at substandard flood control projects.