TUGUEGARAO CITY- Kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) RO2 na nakalabas na sa kulungan ang 10 Vietnamese fishermen na nahuli dahil sa poaching sa Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan.
Ito’y kasunod ng pagbasura sa kasong administratibo na isinampa laban sa mga dayuhan matapos ang magbayad ng P650,000 na multa noong August 27, 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Arsenio Bañares ng BFAR-RO2 na bukod sa pera, pagmamay-ari na ng Pilipinas at irerehistro sa ahensya ang dalawang barkong pangisda na ginamit ng mga banyaga na nagkakahalaga ng P8.2 milyon.
Dahil dito, sinabi ni Bañares na tatlo na ang barko ng BFAR RO2 na gagamitin sa livelihood at technology demonstration.
Sa ngayon ay inaasikaso na ng mga dayuhan ang kanilang mga pasaporte para makauwi sa Vietnam habang nakikipag-ugnayan na rin ang BFAR sa Bureau of Immigration at Bureau of Customs.