Wala pang nahahanap na interpreter upang makausap ang 10 Vietnamese nationals na nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology – Aparri dahil sa illegal fishing.

Bukod dito, sinabi ni Max Prudencio, tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-RO2 na na-abisuhan na ang Ministry of Fisheries ng Vietnam sa pagkakahuli ng kanilang kababayan subalit wala pang tugon ang mga ito.

Nitong unang araw ng Hunyo nang mahuli ng BFAR at Philippine Coast Guard ang dalawang bangka na lulan ng tig-limang mangingisdang Vietnamese.

Nasabat sa mga ito ang ang iba’t ibang uri ng isda na nagkakahalaga ng P8,000 tulad ng yellow fin tuna, pating, blue marlin at dorado na ipinamigay ng BFAR sa mga accredited institution ng DSWD.

Dagdag pa ni Prudencio na posible silang mapalaya kung mababayaran ang piyansang nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa.

-- ADVERTISEMENT --

Habang P110,000 ang piyansang inilaan para sa limang dayuhang lulan ng bangkang nagtangkang tumakas at bumangga sa sasakyan pandagat ng mga otoridad.

Nahaharap ang sampung naarestong Vietnamese sa kasong isinampa ng BFAR-R02 na paglabag sa Sec. 91 (Poaching), Sec. 115 (Obstruction of Fishery Law Enforcer) at paglabag sa Sec. 102 (Taking of Rare, Threatened and Endangered Species) ng RA 10654.

Sa ngayon ay nasa pag-iingat na ng BFAR 02 ang dalawang bangka ng mga Vietnamese fishermen.

—with reports from Bombo Genesis Racho