

Posibleng bubuksan na sa susunod na Linggo ang binuong isolation facility ng Philippine Red Cross (PRC) at lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City.
Ayon kay PRC Cagayan Chapter Chairperson Atty. Mila Lauigan, bahagi ito ng inisyatibo ng PRC na matigil na ang home quarantine na lalong pinagmumulan ng COVID transmission.
Sa ilalim ng partnership, ikinonvert ang dalawang gusali ng Carig Elementary School sa isang isolation facility, na may 100 bed capacity para sa mga asymptomatic at mild symptoms patient ng lungsod.
Ayon kay Lauigan, kumpleto rin ito sa medical beds, oxygen tank, emergency supplies, electric fan at iba pa habang sasagutin naman ng LGU ang manpower o magbabantay sa naturang pasilidad.
Gayunman, sinabi ni Lauigan na kulang pa rin ang isolation facility sa lungsod dahil sa mahigit isang libong aktibong kaso nito kung kaya nanawagan ito ng pagtutulungan.
Naintindihan rin aniya niya ang LGU sa hindi pagtuloy sa pagset-up ng Brgy isolation dahil sa kakulangan ng trained personnel na magbabantay dito na makakatulong sana upang mapalawak pa ang bed capacity sa lungsod.
Samantala, sinabi ni Lauigan na bahagi ng programa ng PRC ay ang pagbibigay ng pagkain sa mga lugar sa lungsod at sa ilang mga bayan sa lalawigan na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine, lalo na sa mga komunidad na isinailalim sa zonal containtment.
Kasabay nito ay plano rin ng PRC na magkaroon ng mobile bakuna bus sa lalawigan upang makatulong sa nagpapatuloy na vaccination roll-out.




