Natanggap na ng nasa 100 hog raiser sa lalawigan ng Kalinga ang financial assistance mula sa Department of Agriculture – Cordillera dahil sa pagkalugi ng negosyo sa epekto ng African Swine Fever o ASF virus.

Ang mga benepisaryo ay nakatanggap ng P5,000 para sa bawat piraso ng alagang baboy na naapektuhan ng culling operations, ngunit 20 piraso lamang ng na-cull na baboy ang maximum na makakatanggap ng karampatang ayuda sa bawat may-ari ng baboy.

Sa datos ng Provincial Veterinary Office (PVO) umabot sa P1.4 milyon ang kabuuang halaga ng ibinigay na suportang pinansyal para sa nasabing industriya.

Ito ay kinabibilangan ng 14 hog raisers sa bayan ng Balbalan; 17 mula sa Rizal, 31 sa Tabuk City; at 38 sa Pinukpuk.

Kasabay nito, nakatakda namang ipamahagi ngayong buwan ang nasa P6.08 milyon na halaga ng financial assistance sa 169 hog raisers sa Ifugao at P810K para sa 87 na benepisaryo sa Benguet.

-- ADVERTISEMENT --

Maliban sa cash assistance, tinututukan rin ng DA-Cordillera ang repopulation o pagpaparami ng baboy.