Inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang isang polisiya na nagbibigay sa lahat ng higher education institutions (HEIs) ng buong kalayaan na lumipat sa 100% online class sa gitna ng krisis sa langis at kuryente na dulot ng nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.

Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, ang hakbang na ito ay isang pansamantalang tugon sa krisis sa ilalim ng “Academic Sustainability Plan” ng ahensya at nakabatay sa mga patakaran sa flexible learning na unang ipinatupad noong panahon ng COVID-19 pandemic.

Nakahanay din ito sa mas malawak na kampanya ng pamahalaan para sa pagtitipid ng enerhiya sa ilalim ng Office of the President Memorandum Circular No. 114, na nag-aatas sa mga ahensya at institusyon na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya dahil sa tumataas na presyo ng pandaigdigang langis.

Gayunpaman, nilinaw ni Agrupis na ang mga paaralang pipiling magpatupad ng ganap na online na klase ay hindi awtomatikong ituturing na accredited providers na nagbibigay ng pormal na online distance education sa ilalim ng umiiral na Online Distance Education Learning (ODEL) framework ng CHED.

Noong panahon ng pandemya, pinayagan ng CHED ang mga pribadong HEIs na magsagawa ng klase sa ilalim ng 50-50 na setup—50% online at 50% face-to-face — samantalang ang mga state universities at colleges ay maaaring magpatupad ng 75% face-to-face at 25% online na setup.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Agrupis, nagpasya na ngayon ang CHED na luwagan ang mga limitasyong ito at payagan ang mga paaralan na maging ganap na online kung kaya nila itong isagawa.

Sinabi niya na ang bagong abiso ay naglalayong tulungan ang mga estudyante, guro, at institusyon na makayanan ang epekto ng kasalukuyang sitwasyon sa langis at enerhiya, lalo na ang gastusin sa pamasahe at kuryente.

Dagdag pa ni Agrupis, dapat lamang ipatupad ng mga paaralan ang ganap na online na setup kung mayroon silang sapat na imprastraktura sa information technology at kung handa ang mga guro na epektibong magturo sa digital environment.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat maisakripisyo ang kalidad ng pagkatuto.

Ang ibinigay na kalayaan ay hindi lamang para sa kasalukuyang academic year, ayon pa kay Agrupis, dahil muling binubuhay at pinalalawak ng CHED ang umiiral na balangkas sa halip na magpatupad ng isang panandaliang polisiya.

Idinagdag din niya na ang mga kursong may laboratory requirements ay saklaw na ng mga partikular na probisyon sa naunang memorandum order ng CHED.