Nasa 109 na overseas Filipino Workers (OFWs) ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na bumalik sa bansa sa gitna ng patuloy na palitan ng strikes ng Iran at Israel.

Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac, nasa ground na ang team mula sa pamahalaan na nagbibigay ng assistance sa mga apektadong mga Pinoy, kabilang ang isang Pinay na matinding nasugatan na ginagamot ngayon sa isang ospital sa Israel.

Ayon kay Cacdac, maayos at nasa ligtas nang kalagayan ang nasabing Pinay, ayon kay Administrator Patricia Caunan.

Sinabi ni Cacdac, kasama ng Pinay ang kanyang kapatid na babae sa ospital, na nagbabantay at nag-aasikaso sa kanya.

Idinagdag pa niya na nakipag-ugnayan na sila sa pamilya ng Pinay sa bansa at tiniyak sa kanila ang tulong mula sa pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa mga naospital, nagbigay ang DMW ng tulong sa 14 Pinoy na naapektohan ng labanan, kung saan ang iba sa kanila ay nakatira sa temporary accomodations.

Sinabi ni Cacdac na sa ngayon ay may 25 Pinoy ang nagkumpirma na gusto na nilang bumalik ng bansa.

Ito ay mula sa 85 na nagpalista bago pa man ang pinakabagong paglala ng sitwasyon.

Iginiit ni Cacdac na plinaplantsa na ang repatriation, subalit nagkakaroon ng mga komplikasyon dahil sa saradong airspace at airport restrictions sa conflict zones.