TUGUEGARAO CITY-Pipilitin ng Commission on election (COMELEC)-Tuguegarao na mairehistro ang nasa sampung libong residente ng lungsod na hindi pa nakakapagparehistro para sa susunod na halalan.

Ayon kay Atty. James Dandy Ramos ng Comelec-Tuguegarao, muling binuksan ang kanilang opisina para sa mga nais magparehistro nitong Hulyo 16, 2021 matapos ibaba sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restriction ang lungsod mula sa MECQ.

Aniya, mula sa dating target na 50 hanggang 60 na indibidwal ang mairehistro sa isang araw ay susubukan ng kanilang tanggapan na doblehin ito kada-araw.

Kaugnay nito, umabot sa 120 na registrants ang matagumpay na nairehistro kung saan ilan sa kanila ay una nang nakapagfill-up ng dokumento sa “irehistro” app ng ahensya na malaking tulong para mapabilis ang registration.

Paliwanag ni Ramos, 75 percent ng application ang matatapos sa registration kapag napunan ang mga hinihinging impormasyon sa form ng “irehistro” app dahil ang tanging gagawin na lamang sa opisina ay ang pagkuha ng larawan at biometrics para maging balido ang pagrehistro.

-- ADVERTISEMENT --

Humingi na rin ng tulong ang nasabing tanggapan sa LGU-Tuguegarao para sa karagdagang personnel upang matiyak na makamit ang nasabing bilang na mairehistro.

Bukod dito, sinabi ni Ramos na gumawa na rin ang kanilang tanggapan ng clustering para sa gagawing registration sa mga barangay na mababa ang aktibong kaso ng covid-19 at sa mga malalaking mall sa lungsod.

Tiniyak naman ni Ramos na nasusunod ang mga nakalatag na health protocols laban sa nakamamatay na sakit habang isinasagawa ang pagpaparehistro na matatapos sa Setyembre 30, 2021.