Nangako si Ferdinand Marcos Jr. tutulungan ang isang 11-anyos na babae mula sa Camarines Sur na humingi ng kanyang tulong laban sa umano’y abusadong opisyal ng barangay.

Ang bata, na isa sa mga batang walang tirahan na inaalagaan ng isang non-profit organization sa Tinambac, ay sumulat ng liham sa Pangulo noong Marso 30.

Sa kanyang liham, hiniling niya sa pangulo na wakasan ang umano’y kawalang pananagutan ng isang barangay kagawad sa kanilang lugar.

Ayon sa bata, ginahasa umano ng anak at isang tauhan ng kagawan ang kanyang kaibigan noong November 2022 at Pebrero 2023.

Ikinuwento rin niya na nabuntis ang biktima matapos ang unang insidente, ngunit dinukot umano siya ng kagawad, dinala sa Montalban, at ipinalaglag ang sanggol.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na muli raw ginahasa ng tauhan ang biktima, dahilan upang mawalan na ito ng ganang pumasok sa paaralan.

Isinalaysay din ng 11-anyos na nasaksihan niya ang iba pang pananakot at pang-aabuso mula sa opisyal, tulad ng pagputol at pagnanakaw ng kable ng kuryente, pagsunog ng damuhan, paglalagay ng pako sa gulong, at paninira at pagnanakaw ng kanilang mga tanim.

Sa kanyang liham, emosyonal niyang tinanong ang Pangulo: “Paano sila makakapag-aral kung sila ay biktima ng karahasan at mismong mga opisyal ng pamahalaan ang nananakot sa kanila?”

Giit niya, nais lamang niyang makapag-aral nang ligtas.

Ibinahagi ng Redeemer Homeless Mission, ang organisasyong kumakalinga sa bata at sa 28 pang kabataan, ang liham sa social media.

Sa tugon ni Pangulong Marcos sa comment section, sinabi niyang labis siyang naantig at nagalit sa nabasa.

Nangako siyang magpapadala ng mga pulis upang protektahan ang mga bata at papanagutin ang sinumang nanakit sa kanila.

Tiniyak din ng Pangulo na matutulungan ang bata at ang kanyang mga kasama upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, at pinuri ang kanyang katapangan at kabutihan.