Natagpuang wala nang buhay ang isang 11-anyos na batang babae sa isang sapa sa Barangay Basak, Mandaue City, Cebu nitong Martes ng umaga, Hunyo 10, 2025.
Kinilala ang biktima bilang si Erica Cabatingan, incoming Grade 5 student, na naiulat na nawawala matapos umalis sa kanilang bahay noong Lunes.
Ayon sa kanyang ina na si Ruby Rose, huli siyang nakita matapos bumisita sa bahay ng kanyang tiyahin.
Sa pagkabahala, agad siyang nag-post sa social media upang humingi ng tulong sa sinumang posibleng nakakita kay Erica.
Hinala ng ina, maaaring inatake ng seizure ang anak habang pauwi at aksidenteng nahulog sa sapa.
Kilala si Erica na may kondisyon at ilang beses nang inaatake ng seizure, na karaniwang inaagapan ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagyakap at pagsandig sa kanya upang makabawi.
Samantala, tiniyak ng Mandaue City Police Office (MCPO) na iniimbestigahan nila ang lahat ng posibleng anggulo, kabilang na ang posibilidad ng foul play.
Ayon kay PL/Col Mercy Villaro, patuloy silang kumakalap ng impormasyon mula sa mga posibleng saksi sa lugar upang matukoy ang tunay na sanhi ng insidente.
Iminungkahi rin ng pulisya na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ni Erica upang makuha ang tiyak na dahilan ng kanyang pagkamatay.