Namatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang 11-buwang gulang na sanggol na nagpositibo sa COVID-19 na bayan ng Sta. Praxedes, Cagayan.

Sa datos ng Sta. Praxedes Rural Health Unit & Birthing Center, ang naturang sanggol na itinuturing na kauna-unahang nasawi dahil sa virus sa naturang bayan ay dinala ng kanyang magulang sa Northern Cagayan District Hospital noong Agosto-3 dahil sa ubo’t sipon at nahihirapang huminga.

Bago namatay ay nakuhanan ng swab samples ang pasyente noong August 6 at lumabas ang resulta na positibo sa nakamamatay na virus noong August 9, kung saan ito ay nasawi kahapon, August 14.

Negatibo naman sa COVID-19 matapos na sumailalim sa RT-PCR tests ang mga close contacts na kaanak ng sanggol kung kaya palaisipan pa rin kung saan o kanino nahawa ang pasyente.

Dahil sa kahirapan sa buhay ay binigyan ng tulong ng lokal na pamahalaan ang naulilang pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay may 15 aktibong kaso ng nakamamatay na virus ang bayan ng Sta Praxedes.

Muli namang umapela si Mayor Esterlina Aguinaldo sa mga residente na sumunod sa umiiral na protocols upang mapababa ang bilang ng mga tinatamaan ng nakakahawang virus.