
Napatay ng U.S. military ang 11 katao kaninang umaga sa inilunsad na pag-atake sa isang barko mula sa Venezuela na umano’y may lulan na iligal na droga.
Ito ang inihayag ni US President Donald Trump, kung saan ito ang kauna-unahang operasyon buhat ng deployment ng kanyang administrasyon ng warships sa southern Caribbean.
Sinabi ni Trump sa pulong balitaan na ang nasabing barko ay may lulang maraming illegal drugs.
Ayon kay Trump, nagresulta ang pag-atake sa pagkatamay ng 11 terorista, at wala umanong nasaktan na miyembro ng U.S. forces sa nasabing operasyon.
Idinagdag pa niya na kinilala ng US military ang crew na mga miyembro ng Venezuelan gang na Tren de Aragua, na itinuring ng US na terrorist group noong buwan ng Pebrero.
Iginiit ni Trump na ang nasabing gang ay kontrolado ni Venezuelan President Nicolas Marudo.
Wala pang inilalabas ang Pentagon na detalye ng pag-atake, kabilang kung anong uri ng droga ang nasa barko, kung gaano karami, at kung paano isinagawa ang pag-atake.
Matatandaan na nagtalaga ang US ng warships sa southern Caribbean nitong mga nakalipas na linggo sa layunin na palakasin ang pangako ni Trump na buwagin ang drug cartels.