Umabot sa 11 magulang ng mga child laborers ang napagkalooban ng mga starter kits ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 sa bayan ng Solana, Cagayan.

Sa panayam kay John Mark Narag, Labor Information Officer ng ahensya, umabot sa P275k ang inilaang pondo ng DOLE Region 2 sa nasabing programa kung saan nakatanggap ng tig P25k worth ng livelohood kits ang mga benepisyaryo upang may magamit sa pagsisimula ng kanilang negosyo para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga anak.

Kabilang sa mga naipamahagi sa mga benepisyaryo ay Rice and E-loading, sari-sari store, frozen food and meat vending at iba pa.

Sinabi niya na batay sa kanilang monitoring, ay nasa edad 14 hanggang 17 ang naitatalang mga child laborers sa rehiyon kung saan kabilang sa dahilan ng pagkakaroon ng child laborer cases ay kahirapan, mataas na unemployment rate at sa pandemya.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil aniya dito ay inilunsad ng ahensya ang nasabing programa upang matulungan ang mga magulang na magkaroon ng panimulang negosyo na tutustos sa pangangailangan ng kanilang mga anak ng hindi nagtatrabaho sa murang edad.

Bago ang pamamahagi sa nasabing tulong ay dumaan muna sa training at orientation ang mga benepisyaryo upang masigurong magagamit nila ito ng tama habang tiniyak ni Narag ang patuloy na pagsasagawa ng monitoring at assessment upang matiyak na nagagabayan ang mga ito.

Samantala, nagbabala naman si Narag sa lahat ng mga establishimento o kumpanya na kumukuha ng mga empleyadong under age na sila ay mahaharap sa kaukulang parusa sakaling matukoy ng ahensya na may paglabag sila sa polisiya.