TUGUEGARAO CITY- Naiproklama na ng Commission on Elections ang ilan sa mga nanalong local candidates sa lalawigan ng Cagayan.

Batay sa resulta ng halalan, mula sa 29 na bayan sa lalawigan ay labing-isa rito ay pamumunuan ng magkakapamilya.

Sa PeƱablanca ay muling nahalal ang mag-asawang Mayor Washington at Vice Mayor Marilyn Taguinod.

Muli ring nahalal sa bayan ng Solana ang mag-asawang sina incumbent Mayor Jennalyn at Vice Mayor Jojo Carag; sa Lal-lo ay sina incumbent Vice Mayor Olive Pascual at ang asawa bilang Mayor na si Florante Pascual; Sa Iguig Cagayan ay sina incumbents at re-electionists Mayor Ferdie at Vice Mayor Juditas Trinidad; sina Mayor Vincent at Vice Mayor Violeta Unite sa Ballesteros; at ang unopposed na sina Mayor Harry at Vice Mayor Yvonne Florida sa Allacapan.

Habang nagpalitan sa pwesto sa Rizal, Cagayan ang mag-asawang incumbent Mayor Brenda at Vice Mayor Joel Ruma na nahaharap sa kasong murder subalit naipanalo pa rin niya ang pagiging alkalde kontra sa kaniyang katunggali na dating heneral.

-- ADVERTISEMENT --

Ang magkapatid naman na Antiporda ng Buguey, Cagayan ay nagpalitan ng kanilang puwesto kung saan ang kasalukuyang Vice Mayor na si Cerry Antiporda ang nanalong Mayor habang si Mayor Lloyd naman ang nanalong bise alkalde.

Ang dalawang kapatid na lalaki ni Governor Manuel Mamba ang mamumuno sa kanilang balwarte sa bayan ng Tuao kung saan magpapalitan sa pwesto sina incumbent Mayor Francisco at Vice Mayor William Mamba.

Ganito rin ang sitwasyon ng mag-amang Manny at Jeff Vargas ng Abulug kung saan ang batang si Jeff Vargas na Mayor ay pinagbigyan ang ama na si Manny, upang maging punong bayan.

Mag-ama rin ang nanalo na sina incumbent at re-electionist Mayor Vince Pagurayan at ang nagbabalik sa pulitika na anak nitong si AV Pagurayan ang nanalo bilang Bise Mayor ng Sto nino, Cagayan.

Samantala, bigo naman ang anak ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na mapanalunan ang pagka-kongresista sa unang distrito ng Cagayan.