Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na inaasahang darating mamayang gabi ang 11 natitirang Pilipinong tripulante ng MV Magic Seas, ang barkong sinalakay ng mga hinihinalang Houthi rebels sa Red Sea.

Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, ang pagdating ng mga seafarers ay magkokompleto sa 17 kabuuang Pilipinong nailigtas mula sa insidente.

Ang mga ito ay lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kung saan sasalubungin sila ng mga kinatawan ng DMW at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Matatandaang anim sa mga tripulante ang naunang nakauwi noong Biyernes ng gabi.

Tatlo sa kanila — ang chief officer, 2nd officer, at 3rd officer — ay dumating sa NAIA Terminal 1, habang ang tatlo naman ay lumapag sa Clark International Airport.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga seafarers ay agad na binigyan ng tulong pinansyal mula sa AKSYON Fund ng DMW at Emergency Repatriation Fund ng OWWA, pati na rin ng karagdagang ayuda mula sa DSWD.

Sila rin ay tinulungan sa kanilang pansamantalang matutuluyan at transportasyon pauwi sa kani-kanilang pamilya.

Ayon sa ulat ng DMW, ang MV Magic Seas, isang barkong may Liberian flag, ay sinalakay ng mga armadong lalaki sakay ng speedboat habang nasa layong 51 nautical miles mula sa Hodeidah, Yemen.

Gumamit umano ng rocket-propelled grenades at automatic firearms ang mga rebelde sa pag-atake.

Sa kabila ng panganib, matagumpay na nakatakas ang mga tripulanteng Pilipino kasama ang dalawa pang dayuhang crew members, at sila ngayon ay ligtas na muling makakapiling ng kanilang mga mahal sa buhay.