
Iniulat ng Institute for Health Metrics and Evaluation na humigit-kumulang 115,000 Pilipino ang namamatay bawat taon dahil sa mga sakit na dulot ng alak, sigarilyo, at vape
Bunsod nito, nanawagan si Dr. Hector Santos ng Philippine Medical Association na palakasin ang mga polisiya sa pampublikong kalusugan upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng mga apektado.
Bukod sa mga pagkamatay, nagdudulot din ito ng matinding kapansanan at pagbaba ng productivity.
Suportado naman ito ng mga medical at public health groups tulad ng Sin Tax Coalition na humihiling ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Sin Tax Law at mga reporma nito.
Umapela rin sila kay DOH Secretary Ted Herbosa na magpatupad ng mas matibay na hakbang laban sa paninigarilyo at vaping, lalo na’t kumalat ang kanyang larawan kasama ang ilang opisyal mula sa isang tobacco company.
Nilinaw naman ng DOH na patuloy nilang tinatanggihan ang anumang donasyon mula sa tobacco industry.
Binigyang-diin ng DOH na ang paggamit ng tabako ay isa sa mga pangunahing sanhi ng sakit sa puso at baga.
Binanggit din ang kaso ng isang 22-anyos na lalaki na namatay sa atake sa puso matapos magkaroon ng malubhang sakit sa baga na konektado sa dalawang taong paggamit ng vape.