Inilikas ang 211 pamilya na katumbas ng 616 indibidwal sa lalawigan ng Cagayan dahil sa banta ng bagyong Julian.

Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council as of 11PM kagabi, nagsagawa ng preemptive evacuation ang mga bayan ng Sta. Praxedes (19 families, 51 individuals), Gattaran (25 families na may 58 individuals), Pamplona (2 families na may anim na indibidwal), Gonzaga (15 families na may 47 individuals) at ang Calayan Island (150 families na 454 individuals).

Ayon sa PDRRMO, inilikas ang mga nasabing residente sa mga evacuation center, barangay hall, simbahan, eswelahan habang ang ilan ay nakituloy sa kapitbahay na mayroong mas matibay na bahay.

Nabatid na karamihan sa mga evacuees ay ang mga naninirahan sa mga mababang lugar gaya ng ilog at tabi ng dagat na posibleng maapektuhan ng pagbaha at ang mga nakatira sa bahay na gawa sa mga light materials dahil sa nararanasang pag-ulan na may kasamang hangin.

Una rito, inihayag ng office of Civil Defense (OCD) Region 2 na ipinag-utos sa mga lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng preemptive evacuation dahil sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng pag-ulan na dala bagyong Julian.

-- ADVERTISEMENT --

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Punong Barangay Annaliza Nunez ng Babuyan Claro sa isla ng Calayan na mahigpit nilang minomonitor ang mga residente sa mga critical areas para sa posibleng force evacuation kung lalakas pa ang bagyo.

Samantala, umabot naman sa 31 indibidwal ang inilikas sa bayan ng Basco dahil sa patuloy na banta ng bagyo.

Ayon sa ulat mula sa Emergency Operations Center ng LGU Basco, isinagawa ang pre-emptive evacuation kahapon sa Barangay San Antonio at Barangay Kaychanarianan.

Sa kasalukuyan, puno na ang evacuation center ng LGU na kayang tumanggap ng 21 evacuees, kaya’t ang natitirang 10 katao ay nasa pangangalaga na ng PDRRMO.

Patuloy namang nakaantabay 24/7 ang Emergency Operations Center ng LGU at mga barangay upang agarang makaresponde sa iba pang residenteng maaaring ilikas.

Samantala, kanselado rin ngayong araw ang pasok ng mga mag-aaral sa lahat ng antas sa bayan ng Abulug, Amulung, Aparri, Baggao, Calayan, Gattaran, Iguig, Lal-lo, Sta. Praxedes, Tuao at Tuguegasrao City habang suspendido ang pasok ng mga mag-aaral mula Kinder Garten hanggang Grade 12 sa mga bayan ng Allacapan, Alcala, Claveria, Enrile, Pamplona, Penablanca, Piat, Sanchez Mira at Sto. Nino.

Naglabas naman ng direktiba si Governor Marilou Cayco ng Batanes na kanselado ang pasok ng mga mag-aaral at tanggapan ng gobierno ngayong araw Sept. 30 hanggang October 1 dahil sa banta ng bagyo batay na rin sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council.