Binigyan ng limang araw ng National Police Commission (Napolcom) ang 12 aktibong mga pulis na maghain ng kanilang counter-affidavits may kaugnayan sa pagdukot sa mga sabungero.
Isinilbi ng Inspection, Monitoring, and Investigation Service ng Napolcom ang summons sa mga nasabing pulis, isang araw matapos na maghain ng kanyang pormal na affidavit-complaint ang whistleblower na si Julie Patidongan laban sa mga ito at sa limang iba pa na tinanggal sa serbisyo.
Sinabi ni Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Calinisan na kung mabibigo ang mga ito na maghain ng kanilang counter-affidavits, ito ay nangangahulugan ng kanyang pagsuko sa kanilang karapatan.
Ayon kay Calinisan, isasailalim ang reklamo sa ebalwasyon para matukoy kung magsasampa o hindi ng kaso.
Una rito, mariing itinanggi ni retired Police Lieutenant General Jonnel Estomo ang pagkakasangkot niya sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ito ay kasunod ng pagdawit sa kanya ni Patidongan o alyas “Totoy” na isa ito sa mga nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
Sinabi ni Estomo na handa itong harapin ang anumang imbestigasyon at magpresenta ng mga ebidensya para malinisan ang pangalan niya.
Inihahanda rin ng mga abogado niya ang kaso na isasampa laban kay Patidongan.
Magugunitang ibinunyag ni Patidongan na hinikayat umano ng dating heneral ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na patayin siya dahil sa alitan sa pera.