Umabot sa 12 na mga alagang baboy ang isinailalim sa culling procedure sa bayan ng Sanchez Mira matapos tamaan ng African Swine Fever (ASF) nito lamang buwan ng Hulyo.
Mula sa nasabing bilang ay walo ang galing ng Brgy. San Andres habang apat naman ang naitalang tinamaan mula sa Brgy. Bangan kasama ang isang alaga sa compound ng Cagayan State University- Sanchez Mira.
Ayon kay Narciso Edillo, director ng ahensya mahigpit na ipinatutupad ngayon ang ground zero precautionary measures sa lugar tulad ng pagbabawal sa paglabas at pagpasok ng mga produktong baboy ng hanggang sa 1km radius, regular na pagsasagawa ng disinfection at iba pa.
Sinabi nito na matapos na ipagbigay alam ng mga hog raisers na nakikitaan ng sintomas ng sakit ang mga alagang baboy ay agad silang kumuha ng samples at nagkaroon ng environmental swabbing at lumabas na positibo ang mga nasabing baboy sa sakit.
Kaugnay nito ay hinikayat naman ni Edillo ang lahat ng mga hog raisers na ipa-insure sa Philippine Crop Insurannce Corporation ang kanilang mga alagang baboy upang maipasiguro at makakuha ng ayuda sakali man na ito ay tinamaan ng sakit.
Samantala, inihayag ni Edillo na nakatakdang maghatid ng mga ayudang gulay ang Department of Africulture (DA) Region 2 sa mga naapektohan ng lindol sa Abra ngayong darating na Miyerkules.
Sinabi niya na aabot sa 10-15 metric tons ng gulay na manggagaling sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal na pawang mula sa donasyon ng mga local farmers.
Bukod dito ay mayroon din aniyang aabot sa P60k na pera na mula sa donasyon ng mga kawani ng ahensya ang nalikom nila upang ipambili ng bigas na dagdag sa itutulong sa mga apektadong residente.
Sinabi niya na una na silang nakipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaang nakakasakop sa mga apektadong lugar upang matukoy ang bilang ng mga benepisyaryong mababahagian ng ayudang ihahatid ng ahensya.