Inaresto ng National Bureau of Investigation – Special Task Force (NBI-STF) ang labindalawang Chinese national dahil sa umano’y online scamming at pag-atake at pagditene sa isang indibidwal na tumangging magtrabaho bilang scammer.

Sinabi ng NBI na ang biktima ay naghain ng reklamo sa umano’y paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, serious physical injuries at serious illegal detencion.

Sinabi ng complainant na pinilit siyang magtrabaho bilang online scammer sa isang gusali sa Manila at sinasaktan at binubugbog kapag tumanggi.

Ayon pa sa complainant, pinagbabayad din siya ng mga suspek ng P500,000 ransom, ngunit nakapagbigay lamang siya ng P300,000 at pagkatapos ay saka siya pinakawalan at binantaan na papatayin kapag nagsumbong sa mga awtoridad.

Nakipag-ugnayan naman ang NBI-STF sa Manila Police District upang magsagawa ng operasyon noong Agosto 6.

-- ADVERTISEMENT --

Bunsod nito, naaresto ang 12 Chinese national na nahuli sa pagsasagawa ng online scamming activities.

Apat sa kanila ang positibong itinuro ng complainant kung saan isa rito ang nanakit sa kanya.

Iniharap na sa inquest proceedings ang mga suspek para sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act.