TUGUEGARAO CITY-Nasa 12 dating miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) sa probinsiya ng Nueva Vizcaya.

Ayon kay Lt. Col. Narciso Nabulneg Jr.,Commanding Officer ng 54th Infantry Battalion, Philippine Army, mula sa nasabing bilang, 11 rito ay dating militia ng bayan at isa ang regular na NPA.

Aniya, ito ang last batch na mga miembro ng NPA na nabigyan ng ayuda na unang sumuko nitong 2019.

Tinanggap ng 11 dating Militia ng bayan ang P15,000 bilang tulong habang P20,000 at P50,000 bilang kanilang livelihood assistance ang mga regular NPA.

Sinabi ni Nabulneg na malaking tulong ito para sa pagsisimula ng tahimik at matiwasay na pamumuhay.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, sinabi ng opisyal na patuloy ang kanilang monitoring sa progreso sa buhay ng mga sumukong miembro ng NPA at para masiguro na hindi na muling sasapi sa mga makakaliwang grupo.

Samantala, sinabi ni Nabulneg na malaking tulong din sa kanilang hanay ang pagdedeklara ng mga iba’t-ibang Local Government Unit (LGUs) sa kanilang nasasakupang lugar na persona non grata ang mga NPA para labanan ang insurhensiya sa lugar.