Nakauwi na sa kani-kanilang probinsiya ang mga dating supporter ng New Peoples Army (NPA) at mga turista na pawang mga na-stranded sa Bataan at sa isla ng Batanes sa tulong ng Philippine Army dahil sa ipinapatupad na enhanced community quarantine.

Sa panayam ng Bombo, sinabi ni Major Erickson Bulusan, tagapagsalita ng Northern Luzon Command (NOLCOM) na nakauwi na sa Nueva Ecija ang 12 dating miyembro ng militanteng grupo ng Alyansa ng Mambubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) matapos sunduin ng dalawang truck ng 703rd Infantry Brigade ng Army.

Sila ay nagtatrabaho bilang construction at factory workers sa Mariveles, Bataan na naabutan ng lockdown.

Habang ligtas namang nakauwi ang 12-turista na na-stranded sa Basco, Batanes matapos sunduin ng barko ng Naval Forces Northern Luzon (NFNL), na unang nagdala ng medical at iba pang suplay sa isla.

Hindi naman umano nakitaan ang mga ito ng sintomas ng COVID-19 subalit mahigpit pa rin isasailalim sa 14-day home quarantine ang mga turista na nakauwi na sa Baguio, Pangasinan at Maynila.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, tiniyak ni Bulusan na tuluy-tuloy ang augmentation activities ng NOLCOM bilang suporta sa mga frontliner ng gobyerno sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine laban sa COVID-19.

Layunin nitong tulungan ang mga frontliner tulad ng Philippine National Police sa pagbabantay sa mga checkpoint.