Aabot sa 12 kabahayan at isang kapilya ang nasira matapos manalasa ang isang buhawi sa bayan ng Pamplona, Cagayan.
Ayon kay Glenmore Bacarro ng MDRRMO Pamplona, bandang 11:30 ng umaga ay nakatanggap ng tawag ang kanilang opisina kaugnay sa nasaksihang buhawi o Ipo Ipo sa naturang lugar.
Agad naman aniyang pumunta ang mga otoridad at rescuer ng Pamplona upang kumpirmahin ang insidente. Dito na napag alaman na nagsimula ang buhawi sa Sitio Limittung ng Barangay Sta Cruz at dumaan patungo sa Brgy.Bagu.
Sinabi ni Bacarro na natanggal ang bubong ng dalawang bahay sa Sitio Limittung ng Brgy. Sta. Cruz habang sampung kabahayan naman ang nasira at dalawa din dito ang nawalan ng bubong sa Barangay Bagu.
Hindi rin umano nakaligtas ang isang kapilya na nasira din dahil sa pananalasa ng buhawi o Ipo-Ipo.
Napag-alaman na gawa sa konreto ang mga nasabing bahay habang wala namang naitalang nasaktan sa nasabing insidente. Winasak ng ipo-ipo ang ikalawang palapag ng isang bahay sa Brgy. Macanaya, Aparri, Cagayan.
Ayon sa facebook post ni Cris Andari Oblea, sinabi nito na umangat maging ang poste ng tinutuluyan nilang bahay dahil sa lakas ng tumamang ipo-ipo.
Labis ang kaniyang kalungkutan at panlulumo na matapos makaligtas sa sunod-sunod na pananalasa ng bagyo ay ipo-ipo naman ang sumira sa kanilang tahanan.
Bukod dito ay marami ring mga residente ang nagbahagi ng video kung saan makikita ang biglaang pananalasa at paghampas ng malakas na ipo-ipo sa naturang lugar.