TUGUEGARAO CITY-Nasa dalawang team na binubuo ng 12 linemen at drivers ang ipinadala ng Cagayan Electric Cooperative 1 (Cagelco-1) sa Marinduque para tumulong sa pagsasaayos ng poste at linya ng kuryente na unang sinira ng super typhoon Rolly.

Ayon kay Frances Obispo ng Cagelco-1, umalis ang nasabing team nitong madaling araw ng Nobyembre 4 kung saan nakarating sila umaga ng Nobyembre 5, 2020 sa nasabing lugar.

Aniya, agad agad din na sinimulan ang pagsasaayos sa mga nasirang linya matapos ang ilang orientation.

Sinabi ni Obispo na magtatagal ang nasabing grupo ng isang buwan ngunit kung magre-request ang marinduque electric cooperative ng extension ay maaring mapahaba ang pamamalagi ang grupo sa lugar.

Nabatid na bago nagtungo ang grupo sa lugar ay sumailalim pa sila sa rapid test para matiyak na hindi sila carrier ng covid-19 at para masiguro na talagang fit to work ang grupo.

-- ADVERTISEMENT --

Mahigpit din aniyang sinusunod ng kanilang mga ipinadalang tauhan ang mga ipinapatupad na health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pag-obserba ng social distancing bilang pag-iingat sa virus.

Pagbalik ng grupo dito sa lalawigan ay muli rin silang sasailalim sa rapid test at kung kinakailangan ay sasailalim din sila sa 14-day quarantine.

Tinig ni Frances Obispo

Samantala, tiniyak ni Obispo na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang trabaho sa kanilang nasasakupang lugar kahit na naipadala ang ilan sa kanilang mga tauhan.