TUGUEGARAO CITY-Muling gaganapin ang “pansit cooking” bilang bahagi ng pagdiriwang ng “Afi Festival” bukas, Agosto 15,2019.
Kilala ang lungsod ng Tuguegarao sa may pinakamaraming nagbebenta ng Pansit Batil Patong kung kaya’t muling ipapatikim ng ilang panciteria sa lungsod ang kanilang best recipe.
Ayon kay Andres baccay, head ng BPLO-Tuguegarao na siyang chairman din ng pansit cooking, 12 pansitan sa lungsod ang nagconfirm na lalahok sa naturang kompetisyon.
Aniya, bagamat una nang naiulat na Agosto 13 ito gaganapin, muli itong binago dahil sa ginanap na “TugSayaw” kahapon.
Sinabi ni Baccay na mayroong apat na katao ang tatayong judge kung saan galing ang dalawa sa isang culinary school sa lungsod at ang dalawa ay mula sa ilang restaurant.
Kaugnay nito, ang magiging criteria sa cook fest ay kung paano ang presentation, originality at kung gaano kasarap ang lasa.
Tatanggap ng P30,000 ang tatanghaling kampeonato, P20,000 ang pangalawa at nasa P15,000 hanggang P10,000 ang ikatlong pwesto.
Nabatid na muling sasabak sa kompetisyon ang tinanghal na kampeonato nitong nakaraang taon na long life panciteria.
Samantala, sinabi naman ni Baccay na tinanggal na ang pabilisan ng pagkain ng pansit dahil delikado para sa mga sasali.
Ayon kay Baccay, bagamat wala namang naitalang na-ospital o masamang nangyari sa mga sumabak sa naturang kompetisyon nitong nakaraang taon, mas mabuti na aniya’y maging sigurado para makaiwas sa anumang insidente.
Bukod dito, sasabak din ang sampung gumagawa at nagluluto ng longganisa sa lungsod para sa “longanisa making and cooking” bilang bahagi parin ng “Afi festival”.
Tatanggap ng P15,000 ang mangunguna sa kompetisyon, P10,000 ang 2nd at P5,000 ang pangatlo.