TUGUEGARAO CITY-Nagpadala ng 12 personnel ang North East Luzon Electric Cooperative Association sa Occidental Mindoro para tumulong sa pagsasaayos ng mga nasirang linya ng kuryente dahil sa Bagyong Ursula.
Ayon kay Jeff Guzman, Information Officer ng Cagayan Electoral Cooperative (CAGELCO)1, nitong nakaraang linggo pa umano naipadala ang nasabing bilang ng line man at hanggang ngayon ay nasa lugar pa.
Aniya, bukod sa mga kagamitan na mula sa kanilang kooperatiba, kasama rin ng kanilang personnel ang construction vehicle.
Sinabi ni Guzman na nangailangan ng karagdagang tulong ang nasabing lugar dahil sa laki ng pinsala ng Bagyong Ursula kung saan madaming mga poste at linya ng kuryente ang natumba at nasira.
Kaugnay nito, sinabi ni Guzman na batay sa naging pahayag ng mga line man na kanilang ipinadala, maaring sa susunod na linggo ay makakauwi na ang mga ito.