
Nakaligtas ang 12 Pilipinong marino matapos maapektuhan ang sinasakyan nilang barko sa isang pag-atake sa karagatan malapit sa Iraq, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni Hans Leo Cacdac na agad nilang kinumpirma ang kaligtasan ng mga marino batay sa ulat ng mga shipowner, kasunod ng insidente.
Sa kabila ng pangyayari, tiniyak din ng DMW na ligtas ang libu-libong Pilipinong seafarers na patuloy na naglalayag sa rehiyon, kabilang ang mga dumaraan sa Strait of Hormuz.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang insidente ay nagpapakita ng patuloy na panganib sa mga pangunahing shipping routes sa Middle East, lalo na sa mga lugar na idineklara nang ‘war risk operations areas’ tulad ng Persian Gulf at Gulf of Oman.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ang mga Pilipinong marino na maging mapagmatyag at gamitin ang kanilang karapatan na tumanggi sa deployment kung itinuturing nilang delikado ang kanilang ruta.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DMW sa mga shipping company at iba pang ahensya upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino sa gitna ng umiiral na tensyon sa rehiyon.










