Handa na para ma-install ang labin-dalawang units ng ‘Pailaw Project’ ng PNP-Rizal, Kalinga na inilaan sa Brgy Romualdez.

Ayon kay PCapt George Jacob, hepe ng PNP Rizal na ang pinambili sa mga poste ng pa-ilaw ay mula sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan P18,000 hanggang P20,000 kada buwan ang kanilang natatanggap.

Sinabi ni Jacob na inantay nila ang tatlong buwan upang tuluyang mabili ang nasabing mga solar-powered lights at napili ang lansangang bahagi ng Brgy Romualdez upang doon ilagay ang naturang proyekto.

Aniya, malaking tulong ang naturang proyekto hindi lamang sa mga dumadaan sa lugar na lubhang napakadilim sa gabi kundi pati na rin sa mga mag-aaral na dumadayo sa lugar upang makakuha ng malakas na signal sa internet para sa kanilang online class.

Kasabay nito, sinabi ni Jacob na una pa lamang ito sa mga proyektong pailaw na itatayo sa mga Barangay sa naturang bayan at target din nila na mabigyan ng pangkabuhayan ang mga residente, lalo na ang mga magsasaka.

-- ADVERTISEMENT --