TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa antigen test ang mga kawani ng Department of Trade and Industry (DTI)-Cagayan at Region 2.

Ayon kay Atty. Cyrus Restauro, legal officer ng DTI-region 2, ito ay inisyatibo ng kanilang regional director para matiyak na nasa maayos na kalagayan ang kanilang mga empleyado.

Umabot sa 122 na empleyado ang isinailalim sa antigen test kung saan tatlo ang nagpositibo.

Agad namang isinailalim sa swab test ang tatlo at batay sa inilabas na resulta, positibo sa covid-19 ang mga ito.

Agad namang nagsagawa ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo habang work-from home ang ilan.

-- ADVERTISEMENT --

Pansamantala ring isinailalim sa lockdown ang DTI-Cagayan Provincial Office at ilang opisina ng Regional Office para matiyak na walang mangyayaring hawaan ng virus.

Tiniyak naman ni Restauro na patuloy pa rin ang kanilang pagbibigay ng serbisyo sa kabila ng lockdown.

Nabatid na una na ring natapos ang kahalintulad na aktibidad sa mga provincial offices ng Quirino, Nueva Vizcaya at Isabela kung saan negatibo sa nakamamatay na sakit ang lahat ng kanilang mga empleyado.