TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa culling ang 13 biik na unang kinumpiska dahil kawalan ng kaukulang dokumento sa Bulanao, Centro, Tabuk City, Kalinga noong Hulyo 28, 2021.
Ito’y matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang sampu sa 13 blood samples na sinuri ng Department of Agriculture (DA)-Cordillera.
Matatandaan, hinuli ng mga otoridad ang 28 biik na mula sa bayan ng Ballesteros, Cagayan nang bigong magpakita ng mga papeles ang may-ari ng mga biik para makapagbiyahe o makapagbenta.
Sinabi ni Dr. Mariano Dunuan, Provincial Veterinarian na binigyan ng sapat na oras para makapagprisinta ng papeles ang may-ari ng baboy pero bigo nitong nagawa.
Dinala naman sa kustodiya ng Provincial veterinary office ang mga biik para maobserbahan habang hinihintay ang resulta ng blood samples, nang unti-unting namatay ang mga ito hanggang 13 na lamang ang natira na isinailalim sa culling.
Kaugnay nito, nanawagan si Dunuan sa publiko na ipagbigay-alam sa mga otoridad ang mga nagpapasok ng mga alagang baboy sa nasabing probinsya para makita kung ito ay may dokumento para matiyak na hindi makakapasok at hindi kumalat ang ASF sa nasabing lugar.