
Patay ang 13 katao matapos na malason sa ginawang alak sa Kuwait.
Batay sa pahayag ng Health Ministry ng Kuwait sa social media platform na X, buhat noong araw ng Sabado, nakatanggap sila ng 63 na kaso ng alcohol poisoning na mula sa inumin na kontaminado ng methanol.
Ipinaliwanag ng ministry na ang mga kaso ay magkakaiba ang kanilang mga sintomas, kung saan marami sa kanila ang kailangang dalhin sa intensive care units.
Sinabi pa ng ministry na 31 kaso ang kinailangan ng ventilators, habang ang 51 ay kinailangan ang agad na kidney dialysis sessions.
Dalawampu’t isang kaso ang nakaranas ng permanenteng pagkabulag, at 13 ang namatay.
Ayon sa ministry, ang mga nalason na mga indibidual ay pawang Asian nationalities.
Idinagdag pa ni ministry na patuloy ang pag-monitor nila sa lahat ng kaso at nakikipag-ugnayan sila sa mga kaukulang ahensiya para matiyak ang kailangang gamutan sa mga ito.
Ayon sa report, bumuo na ang Kuwait ng security team para tukuyin ang mga nasabing kaso, at natuklasan nila na lahat ng mga biktima ay bumili ng ginawang alak mula sa ilang Asian sa Jleeb Al-Shuyoukh area ng Farwaniya Governorate.
Batay sa ulat, 10 katao ang hinuli sa isinagawang pagsalakay sa kinaroroonan ng mga suspek.
Bawal ang alak sa Kuwait, at ipinagbabawal sa kanilang batas ang pag-import at pag-supply ng mga nakalalasing na inumin.
Ang sinumang mahuhuli na gumagawa o nag-iimport ng alak para ibenta ay makukulong sa nasabing bansa.